Kailanma’y hindi maaring ang tagal lamang sa industriya ng pampalakasan ang maging sukatan ng galing. Hindi pwedeng ang mga gantimpalang nakamit lamang ang siyang maging batayan upang tawaging batikang atleta. O kaya’y ang husay lamang sa paglalaaro ang siyang maging barometro upang ito’y maging mabuting manlalaro.
Laging inuugnay sa isports ang mga salitang sportsmanship, camaraderie, fellowhsip at brotherhood.
Nangangahulugan lamang na ang isports ay hindi lamang patungkol sa paglalaro, bagkus ito ay may mas malalim na kahulugan at dahilan.
Sa madaling sabi, ng pagiging magaling na atleta ay hindi lamang tungkol sa patikasan ng katawan, patagalan ng taon sa industriya o kagalingan sa isang isports kundiang isang atleta ay kinakailangang nagtataglay ng isang karakter. Karakter na magiging gabay upang makamit ang kaniyang ganap na pagka atleta.
PURSIGIDO. Isa sa mga pagpapahalaga na ito ay ang pagiging pursigido. Kapag ang atleta ay pursigido, nais niyang maging mas magaling sa bawat araw; binubuhos niya ang kaniyang buong lakas sa kaniyang pag-eensayo. Ang isang pursigidong atleta ay naniniwalang “hindi pwede ang pwede na”. Kinakailangan ang pagiging pursigido sa panahon ng mga pagkatalo at itong mga pagkatalo ang magsisilbing inspirasyon upang pag-igihan ang susunod na laban.
DISIPLINADO. Ang pagiging disiplinado ng isang atleta sa makikita kaniyang kinakain at sa kaniyang galaw sa loob ng kaniyang ring, field o court. Ang disiplinadong atleta ay hindi na kailangan pang paalalahanan ng kaniyang tagapayo sa takdang oras ng kaniyang training, sa pagkain na kailangan niyang kainin o kahit sa pagsagawa ng warm-up at cool-down. Makikita rin ang pagiging disiplinado ng isang atleta sa paraan ng kaniyang pagsunod sa batas o patakaran ng kaniyang laro.
DETERMINADO. Makikita ang pagiging determinado ng isang atleta sa paraan ng kaniyang patuloy na pagsugod sa laban sa kabila ng mga hamong kinakaharap. Kahit mahirap ang buhay atleta ay patuloy pa ring lumalaban at di nawawalan ng pag-asa. Bagama’t sa tingin ng atleta ay wala nang pag-asang maipanalo ang laro, hindi pa rin ito umaayaw at patuloy na ibinubuhos ang kaniyang lakas kahit na ang mga bagay na ito ay lubhang mahirap.
POSITIBO. Ang pagiging isang magaling na atleta ay ang paniniwalang kahit anong mangyari ay panalo pa rin. Kahit matalo man, itinuturing panalo ang sarili dahil sa hirap na iyong pinagdaanan. Hindi mo man makamit ang inaasam mong titulo, sapat na na narating mo ang labanang iyon para itanghal mong panalo ang iyong sarili. Ang isang atleta ay kontento na sa kaniyang laban dahil alam niyang ginagawa niya ang kaniyang lahat at hindi siya nagkulang.
Ito marahil ay iilan sa mga katangiang dapat taglayin ng isang atletang. Isang patunay na hindi kailan man magiging sukatan ang mga medalya, tagal sa serbisyo at husay upang maturing na isang magaling na atleta, kundi katangiang taglay na bubuo sa tunay na kahulugan ng isang ATLETA.
ni Christyl Jude A. Verano,Editor-in-Chief “Ang Rantso”