ni VINO T. ZARAGOZA
SEPS-Monitoring & Evaluation

Naiis-Stress ako…, Ako rin Stress na ako sa aking pagtuturo”. Tiyak     di na bago ito sa inyong pandinig kung kayo ay nasa larangan ng pagtuturo. Kabi-kabila ng mga reklamo, kunot-noong mukha, di maipintang mukha at samut-saring mga salita ang pilit ikinakabit sa salitang STRESS.

Sa ating pagtuturo maraming dahilan ang tinutukoy na stress. Kung mag-google kayo sa internet malamang magkakaroon kayo ng ideya sa mga dahilan ng ating stress. Pwedeng maging sanhi nito ay galing sa kapaligiran, pamilya, trabaho at sa ating lipunan na kinabibilangan.

Sa papel natin bilang tagahubog at tagapanday ng isang produktibong mamamayan sa ating lipunan malamang ang mga sambit ng ilan ay sangkatutak na stress. Galing saan? Sa     araw araw na pakikisalamuha sa ating mga estudyante, sa mga paghahandang ating ituturo, sa mga recording ng awtput ng mga bata, sa mga co-teachers natin, sa mga activities ng school, sa mga ipapasa na forms na lampas deadline na, sa ating Principal, sa classroom natin na hindi pa fully-structured o may ilan pa nawala pang ginagawa para maging conducive to learning ang silid-aralan at higit sa lahat ang ating SARILI.

Sa ilang nabanggit, malaki ang bahagdan na maging sanhi itong ating low performance at pagtanda bilang isang guro. Tiyak din ako na ilan sa atin ay maging dahilan ito kung bakit ang ating pagtuturo ay nagiging sakit ng ulo tayo ng ating mga Principal at mga estudyante. Hindi na tayo aktibo at tuluyan nang nakalimutan na tayo ang pinakamahalagang visual aid sa ating pagtuturo.

Sabi nga maraming paraan kung gugustuhin. Balikan nga natin ang malimit na Gawain sa loob ng apat na sulok ng ating silid-aralan. Maraming bagay tayong pinagkakaabalahan na hindi naman kailangan. Ang pakikitungo natin sa ating mga estudyante marahil ang isang nagpapaigting kung bakit lumalala ang stress natin. Ilan sa atin ang pagtrato sa mga mag-aaral     ay di-makatarungan. Nandiyan ang bulyawan, pag-initan, punahin at minsan pa nga hinahamon na lumabas sa klase.

Ang mga oras na dapat ay ibaling sa mgagawain makakatulong sa pagpapahusay ng pagtuturo at bilang guro ay nasasayang. Nagagawa pang kausapin ang co-teacher, pinag-kakaabalahan ang dalang gadgets, at abala sa dalang paninda sa loob ng klase.

Simula nang araw ng tama. Pumasok ng maaga. Paghandaan ang ituturo sa araw na iyon. Mag-updates sa mga forms at mga dapat isubmit na dokumento. Kung nakahanda na ang Lesson plan. Pag-aralan muli kasama na iyong paksa na ituturo.Tingnan din kung malinis ang silid-aralan. Mag-counselling sa mga bata na maaga dumating sa klase. Tiyak ako na maging produktibo ang araw mo.

Habang na sa loob ng silid-aralan mag sagawa ng mga daily routine na makakaiwas sa stress. Kapag may ginagawa ang mga estudyante, lagging i-monitor ang kanilang ginagawa,ang palakad-lakad sa loob ng klase habang may ginagawa ang mga mag-aaral ay isang payak na ehersisyo, mas mabuti rin kung kasama ka sa ginagawang awtput ng mga estudyante, nakangiti at may positibong pakiramdam habang nasa loob ng klase, Huwag maging diktador sa mga estudyante at laging ipaalala ang class norms kapag may mga group activity ang mga estudyante.

            Kadalasan ang stress sa pagtuturo ay tayo rin ang may gawa. Ang mataas nating pag-aasam sa performance ng mga mag-aaral sa klase; ang gusto nating maintindihan agad ang ating paksa; ang ugali nating makasarili; ang prinsipyo ng nakakaangat tayo sa ating estudyante; ang pakiramdam na matalino tayo; ang negatibong pagtingin sa kakayahan ng mga estudyante; at kawalan ng kahandaan sa pagtuturo malamang ang mga ito ay makakadagdag stress sa inyo.

Sa karanasang ko sa mahigit sampung taon ng pagtuturo, ang stress ay hindi balakid bagkus ang tangi kong kalasag sa napili kong propesyon ay maging payak ang buhay ko bilang guro.Ituon lagi ang sarili sa aking trabaho. Gawin ang nararapat. Mag-enjoy. Pangasiwaan ang oras ng tama.Mapagpasalamat. Pahalagahan ang buhay ko bilang guro at ang aking mga estudyante. Tandaan ang stress ay masidhing pag-aasam sa mga bagay na hindi mo naman kaya at hindi mo kontrolado.