ni VINO T. ZARAGOZA
SEPS-Monitoring & Evaluation

Sa kabila ng kabi-kabilang batikos sa K to 12 Basic Education Program ng Department of Education, samut-saring pasaring sa ating pamahalaan at sa mga mambabatas na pilit pinapahinto ang naturang programa. Kanya-kanya kadahilanan sa pagpapatigil sa implementasyon. Anumang ang naririnig natin, isa lang ang malinaw sa akin, bawat isa sa atin ay may papel na ginagampanan at gagampanan upang maging matagumpay ang pagpapatupad sa nasabing programa.

Batid ko ang kakulangan sa kahandaan sa bagong programa pero dapat isaalang-alang din natin kung sino ang makikinabang sa bandang huli. Nakakalimutan natin ang malaking bilang ng ating populasyon ay school age children. Mga batang may mga pangarap ngunit sila ay nasa mababang antas ng ating lipunan. Kalimitan pa nga sila ang nababalewala.

Ayon kay John F. Kennedy “Huwag mong itanong kung ano ang magagawa ng bansa para sa iyo, kundi itanong mo kung ano ang magagawa mo para sa iyong bansa.”Sang-ayon ako. Kung ang ginagawa nating batikos gumagawa tayo ng mga paraan kung paano tayo makakatulong malamang mas mapapabuti pa natin at mahanapan pa ng mga pwedeng maiambag para tuluyan ng maisakatuparan ang programang ito.

Bilang guro ang ganitong pagkakataon ay malaking hamon sa atin upang makagawa tayo ng mga pamamaraan na makatulong tayo sa pinaglilingkuran natin ahensya. Sa aking karanasan, ang nakaraang SY 2014-2015 ay nagbigay sa akin magandang pagkakataon na makatulong para sa pagpapayabong ng K to 12 program.

Ang aming paaralan ay hindi nakatanggap ng bagong aklat para sa asignaturang EsP-9. Ang mga paraan kung paano ako makakatulong sa mga mag-aaral na mapaintindi ko ang asignaturang ito ay malaking dagok sa akin. Halos araw-araw akong naghahanda ng aralin, gumagawa ng teaching materials at pinagtitiyagaan kong i-summarize ang nilalaman ng bawat modyul upang bago ko ituro ay napag-aralan ko na.

Hiraman kami ng aking mga estudyante sa iisang aklat kapag sila ang maglalahad ng paksa. Kailangan ko rin sila bigyan ng photocopy para sa kanilang pangkat. Walang kuryente sa amin. Kailangan pa pumunta ng syudad para magpa-photocopy ng aklat. Para mas lalong maintindihan ng mga mag-aaral tinuturuan ko sila kung paano ilahad ang paksa gamit ang ibat-ibang uri ng graphic organizer. Pagkatapos ng paglalahad iniipon ko ang pwede pang pakinabangan na visual aid para sa susunod na taon. Dito ko naman ginamit ang aking pagka-resourceful at malikhain.

Inilalagay ko sa isang expandable envelop ang mga napiling kong instructional materials na gawa ng aking mag-aaral at gawa ko rin. Ang bawat envelop ay may label bawat modyul at sa loob nito ay nakalagay ang kopya ng paunang pagtataya, binagong paunang pagtataya o pagsusulit na parallel sa paunang pagtataya, mga iba’t ibang visual aids para lamang sa isang modyul.

resiklongIM2

Nasa larawan ang ilan sa mga nilalaman ng expandable envelop

            Sa ganitong paraan ay tiyak akong makakatulong sa mga bata at guro para maibsan ang kakulangan ng kagamitan sa pagtuturo.

Ang hamon sa ating mga guro para makatulong sa pagpapatupad ng K to 12 Program ng ating pamahalaan ay hindi pa tapos. Bukas ang ating isipan sa mga nangyayari at mangyayari pa pero habang naglalakbay patungo sa lubusang implementasyon ng programang ito, isipin natin na dapat may maiaambag tayo na ang tanging hangarin natin ay makatulong at para sa magandang bukas ng ating mag-aaral.