by Vino T. Zaragoza
Teacher III, Bolo NHS

Lahat siguro ay naalala pa ang isang patalastas sa Telebisyon ng isang tanyag na fastfood chain sa ating bansa. Sa patalastas makikita na pinapangiti ng isang bata ang isang lalaki pero ang tumatak sa isipan ko ang salitang “konti lang”.

Marahil magkibitbalikat kayo kung bakit?

Sa panahon ngayon ang salitang “konti lang” ay simple at may malalim na kahulugan. Natatandaan ko rin ang isang paalala sa isang sikat na TV netwok noong panahon na ang ating bansa ay hinagupit ng bagyong “Yolanda”. Sa patalastas na iyon, binigyan ng malalim na kahulugan ang salitang “maliit na tulong” na kung hindi ako nagkakamali ay sa salitang Ingles ito. Tama nga ang paalala. Ang konting tulong kapag pinag-ipon, ito ay dadami at lalawak.

Sa ating sinumpaang propesyon bilang guro, may mga maliliit na bagay tayong ginagawa na kung minsan o kadalasan nagiging kapaki-pakinabang sa lahat. Tulad na halimbawa ang sitwasyon sa aming paaralan. Walang suplay ng kuryente. Maraming kakulangan para maabot ang kalidad ng edukasyon pero     may mga munti kaming ginagawa na sa pakiwari ng ilan, walang kwenta.

Noong nagkaroon ng computer sa aming school, halos lahat ng estudyante ay natuwa pati na guro. Pero ang mga nasabing computer ay hanggang tingin at hawak lang pala ang aming mga mag-aaral. Hindi magagamit dahil wala naman kuryente.

Simula noon, nagkaroon ako ng pagkakataon na ibahagi ko ang maliit kong kaalaman sa teknolohiya gamit ang aking personal computer. Kinausap ko ang aking mga estudyante noon kung payag sila na magtutor ako sa kanila pero ito ay sa bahay namin gamit ang aming sariling “generator”. Dahil na rin sa pagnanais na matuto, nasimulan naming ang pag-aaral ng “Basic Computer” sa harap ng computer. Tatlong estudyante sa bawat oras. Tinuruan ko sila ng keyboarding, basic knowledge sa MS office at printing. Sa buong tatlong buwan halos may konting natutunan ang buong graduating student sa panahong iyon.

Sa mga estudyante ko na galing Anas, B-titong at Cawayan, tuwing sabado ko sila tinuturuan ng umaga pero hindi iyon sapilitan dahil wala naman “parents consent”. Ang ginagawa ko nagsusulat ako sa kapirasong papel na patunay na pumunta sa bahay ang kanilang anak. Hindi ko naman kasi matanggihan kapag pumupunta ang aking mag-aaral na nagpupumilit na turuan ko rin sila. Ang maganda lang, isang beses lang ako magtuturo sa kanila pagkatapos sila na ang pumupunta sa mga “Internet Café” para doon na ipagpatuloy.

Sa kasalukuyan, kapag nagbubukas ako ng aking Facebook account, ang dami kong natatanggap na mga mensaheng pasasalamat sa pagtuturo ko sa kanila ng “Basic computer” dahil nagagamit na nila lalo na sa mga nag-aaral sa kolehiyo o sa kanilang trabaho. Madalas pa nga niyayabangan na ako dahil mas magaling pa sila sa akin kung computer ang pag-uusapan.

Ngayon taon, sinimulan ko rin ang pagpunta sa mga karatig barangay na kung saan may mga estudyante kami. Bago ako pumunta sa kanilang lugar kinausap ko ang mga mag-aaral na bibisata ako sa kanila. Nagulat na lang ako dahil pinaabot nila sa akin na gusto nila na pumunta ako. Una kong binisita ang sitio bel-at kawayan exterior. Sa isang DayCare center kami nagkita-kita ng mga estudyante na tagaroon lamang. Ang ginawa ko kinausap ko sila at kinumusta ang kanilang pag-aaral. At para makabuluhan ang pagpunta ko, tinuruan ko sila ng table skirting. Laking gulat ko dahil halos lahat sila ay gustong matuto. Kaya ang ginawa ko nagdemo ako kung paano isinasagawa ang table skirting.

boloMakikita sa larawan ang mga mag-aaral na sumubok sa table skirting

            Tumagal ako ng mahigit dalawang oras dahil ang ilang estudyante ay sumubok gawin ang itinuro ko. Pati ang mga grade 7 ay sumubok rin kasama ang fourth year students na naging katuwang sa pagsasagawa ng table skirting.

Pwede naman pala gumawa ng isang makabuluhang bagay ang isang guro para sa kapakanan ng kanyang mga estudyante na sa bandang huli ay may malaking pakinabang at maaari pa itong dagdag kaalaman.

Napagtanto ko na may kabuluhan ang konting tulong ko na ibinahagi sa aking mga estudyante. Kakarampot para sa iilan, pero para sa akin isang di-mapantayan at di-mapaparisan ng kahit gaano kakapal na salapi sa aking bulsa.

Marahil ang sinumpaang trabaho ko ay walang limitasyon sa pwede kong maibahagi sa aking mga estudyante. May mga bagay pa tayong pwedeng magawa sa labas ng apat na sulok ng ating silid-aralan. Kung naiisip at isinasabuhay lang natin ang maaari pa nating ambag sa ating lipunan tiyak maraming uhaw sa kaalaman ang magpupunyaging matuto at magbibigay ng mataas na pagkilala at paggalang sa ating propesyon.