ni:
Arlin A. Jardin
MT – I
MNCHS

                    Ang magbasa ay hindi biro pero hindi rin biro kung ang isang tao ay hindi maru-nong bumasa.

                   Ayon kay Thomas J. Law, mayroong sampung mahalagang benepisyo sa pagbabasa ng aklat: 1. Makakuha ng mahahalagang kaalaman; 2. Maehersisyo ang  utak; 3. Mapataas ang kakayahang magkaroon ng tamang pokus; 4. Mapalakas ang memorya; 5. Mapataas ang kakayahang makiramay at makisalamuha; 6. Mapaangat ang husay sa pakikipagtalastasan; 7. Matulungan ang sarili na makaunawa sa kakayahan at ideya ng iba; 8. Maibsan ang stress o labis na pagkabalisa; 9. Mapangalagaan ang kalusugang – mental; at 10. Makatulong sa pagpapahaba ang buhay at maging makabuluhan.

                    Ang palagiang pagbabasa ba ng mga social media post, text message, at news headlines ay mainam? Ayon pa rin kay Law, ito ay hindi katanggap – tanggap at hindi naaayon sa tamang layunin ng isang produktibong pagbabasa. Ang pagbabasa pa rin ng libro ang pinakamabisa at nararapat upang mapaunlad ang sarili.

                   Kung kaya, ang Kagawaran ng Edukasyon ay patuloy sa pagsasakatuparan ng mga proyektong kaugnay ng pagpapaunlad ng kakayahan ng mga mag – aaral sa pagbabasa. Taong 2019, inilunsad ng Kagawaran ang 3Bs o Bawat Bata Bumabasa bilang tugon sa mas malawakang kampanya na mapataas ang antas ng literasi sa pagbasa. Gayundin, sa kaparehong taon ay isinakatuparan ang 5Bs o Bawat Bicolanong Bata Bihasang Bumasa ng Rehiyon V bilang bahagi ng pakikiisa sa programang 3Bs. Ang mga programang ito ay naglalayong maitaas ang lebel ng kakayahan ng mga mag – aaral sa pagbasa. Sa gitna naman ng pagpapatupad ng Basic Education – Learning Continuity Plan     (BE – LCP)  ay isinakatuparan ang Brigada Pagbasa bilang inisyatibong proyekto na matulungan ang mga mag – aaral na makapagbasa at maabot ang isang kapaki – pakinabang na literasi.

                    Bilang tugon sa pagkilos ng DepED, tinutukan ng Kagawaran ng Filipino ng Pambansang Mataas na Paaralang Komprehensibo ng Masbate ang usapin sa pagbasa. Inilunsad nito ang Project SIKAP 2.0 o Sistematikong Gabay sa Pagpapaunlad ng Kasanayan sa Pagbasa kung saan napakaraming mga mag – aaral ang naging bahagi ng programang ito. Layon ng proyektong ito na patuloy na matulungan at magabayan ang mga mag – aaral na maitaas ang antas ng kanilang kakayahan sa pagbasa. May mga itinalagang guro upang magsulat ng mga tekstong gagamitin sa pagbasa, may iskedyul kung sino ang mangangasiwa sa pagpapabasa, at tagawasto ng resulta at antas ng nabasa para sa kaukulang pag – uulat. Hangad ng proyektong ito ang zero Frustration Level at tuldukan ang suliranin ng mga mag – aaral sa pag – unawa sa pagbasa sa Filipino.

                  Kaugnay nito, ang Kagawaran ng Filipino ng Pambansang Mataas na Paaralang Komprehensibo ng Masbate ay isinusulong ang sumusunod na mga interbensyon: 1. Pagkatapos ng Panimulang Gawain ng bawat klase ay nagbibigay ng maikling babasahin na may 5 pangungusap lamang at magbibigay ang guro ng kaugnay na tanong mula sa binasa; 2. Ang lahat ng mga mag – aaral na nasa antas ng frustration ay bibigyan ng remedial activity; 3. Ang SAMAFIL Filipino Mother Club ay nagkaroon ng buwanang gawain tungkol sa pagbasa sa pakikipag – ugnayan sa Tabang Kariton.

                  Ngayong Taong Panuruan 2021 – 2022 naman sa gitna ng hamon ng pandemya sa edukasyon ay ipinagpatuloy ang proyekto sa  pagbasa. Ang mga mag – aaral sa Baitang 7 hanggang 10  ang binigyang  tuon ng programang ito upang mapaunlad ang kasanayan sa pagbasa. Sa gabay ng Punongguro,  masigasig na pamamahala ng Puno ng Kagawaran, sa tulong ng mga guro sa Filipino at mga volunteers ay maiaangat ang antas ng kakayahan ng mga mag – aaral sa larangan ng pagbasa at  antas ng literasi.

                  Ang mga pagkilos na ito ay patunay lamang ng hangarin  ng kagawaran na patuloy na maisulong ang pagpapahalaga sa pagbasa na siyang pinakapangunahing makrong kasanayan na kailangang hasain upang matiyak ang makalidad na edukasyon. Totoong, hindi magiging malayo at imposibleng matamo ang literasi. Ani Deped Usec Diosdado San Antonio, “Let us first address the reading problem of our students and the rest will follow”.
             
                   Tunay na di matatawaran ang halaga ng kakayahan sa pagbasa kaya sa Kompre kultura ng pagbasa patuloy na isusulong na maging gawi at ugali sa lahat ng pagkakataon.

 

            Sama – sama, Tulong – tulong sa Pagtataguyod ng kultura sa Pagbasa