Ni: Vino T. Zaragoza
SEPS-M&E- DepEd Masbate City

 

“If yesterday I was celebrating with you what we have done, today I stand with great pride telling myself, ‘Ang sarap maging Pilipino. Pero mas masarap maging DepEd.’ Never in my life can I say that with conviction.” Bro. Armin Luistro-DepEd Secretary.

            Naalala ko tuloy nang magtapos ako sa kolehiyo sa kursong Business Management, excited ako dahil sabi ko matutupad na ang aking pangarap na makapagtrabaho sa isang malamig na opisina pero sa mga taon na nakaranas ako magtrabaho sa isang opisina, nagsimula naman ang isang pakiramdam na parang kulang. May hinahanap ako na hindi ko mawari kung ano? Tuwing gigising sa umaga upang pumasok, hindi ako masaya, parang gusto ko na agad umuwi ng bahay habang nasa byahe. Hanggang isang araw nagising na lang ako na nag-aaral uli.

            Nag- earning units sa Education at dito ko nasumpungan na gusto ko pala maging guro. Napakahabang panahon ang sinayang ko para lamang hanapin ang aking sarili. Pinasok ko na ang iba’t ibang uri ng trabaho na may kinalaman sa kurso pero ang gusto kong trabaho ay mailap pa rin.

            Taong 1998 ng kumuha ako ng pagsusulit para sa guro, nagtagumpay ako. Unang salang ko sa pagtuturo, napagtanto ko na agad na ito pala ang hinahanap ko na trabaho na magpapasaya sa akin. Kahit ang unang pagtuturo ko ay sa pribadong paaralan at maliit lamang ang sahod, hindi ito naging hadlang para sa aking pansariling kasiyahan.

            Umuwi ako dito sa Masbate City para ituloy ang nais ko sa buhay. Napabilang ako sa isang pampublikong paaralan. Napatunayan ko sa aking sarili na dito ako nababagay. Sa katunayan nagsimula ako bilang School board teacher pero ni minsan hindi ito naging balakid para magampanan ko ng buong husay at may dedikasyon ang aking sinumpaang tungkulin.

            Napabilang ako sa National Training of Trainer para sa K-12 para sa baitang 9 at 10. Naging Regional trainer at  Outstanding Teacher para Secondary Level. At higit sa lahat ang papuri at tiwala sa akin ng mga naging estudyante ko na kahit 15 taon na ang nakalipas ay hindi pa rin nagsasawang magpasalamat.

            Masarap maging DepEd. Ang kaligayahan ko sa ahensyang ito ay hindi masuklian ng kahit anumang halaga. Kapag nakasalubong ko ang dati kong estudyante na binati at nagpasalamat sa akin, ang galak sa puso ko ay hindi matatawaran. Ang sarap ng pakiramdam na kabahagi ako  sa kanilang tagumpay.

            Siguro kung hindi ako naging bahagi ng DepEd hindi naging ganito ang aking buhay. Mabilis ang paglago ng aking tagumpay. Masaya ako sa tinatamasa ko ngayon. Ang payak kong buhay ay may pusong umaapaw ng kaligayahan, may pagnanais na makatulong at magsisipag at magsisikap pang pagpupursiging  pagbutihin ang aking ginagawa. Salamat Bro. Armin sa  inspirasyon!