https://i0.wp.com/www.depedmasbatecity.com/wp-content/uploads/2022/06/gigi-paterno.jpg?resize=161%2C174&ssl=1By:Gigi B. Paterno
Guro III- MNCHS

KABAYANIHAN… pagpapakita ng tapang, pagmamahal at pagtataguyod sa dangal ng pagkatao, paghahangad ng tagumpay at kadakilaan ng sariling komunidad o bayan, at pagsisikap para sa kagalingan at kabutihan ng kapwa.

Ang kabayanihan ay hindi nasusukat sa pagbubuwis ng buhay tulad ng magigiting na mga bayani na ipinagtanggol ang kalayaan at kapayapaan ng Inang Bayan.

Ito ay ang kakayahan na harapin ang takot, kakayahang kumilos ng tama sa oras ng panganib at kawalan ng katiyakan.

Sa patuloy nating pagharap at pakikipaglaban sa pandemya, maraming Pilipino ang nagpamalas ng kanilang kabayanihan dahil sa sinumpaang tungkulin na tinatawag ng boluntarismo.

Isa na rito ang mga guro maging sa pribado at pampublikong paaralan. Handa silang magsakripisyo at makipagsapalaran di alintana ang  kanilang kaligtasan, alang-alang sa pagdukal ng karunungan ng mga kabataan na ngayo’ý sumasabak sa hamon ng bagong normal na pagtuturo.

                    Mga Health Workers – tulad ng mga Doktor at nars, na patuloy na naglilingkod, na kahit alam nilang anumang oras ay maaari silang mahawa, magkasakit, o mamatay. Subalit, sa tawag ng paglilingkod sa kapwa at sa bayan ay buong tapang nilang hinaharap ang hamong ito.

Mga Opisyal ng ating Lokal at Nasyonal na Pamahalaan na walang kapagurang umiisip ng mga paraan, kung paano makatutulong sa pamumuhay ng taong-bayan na higit na naapektuhan upang maibsan ang hirap at sakit, na dulot ng pandemyang nararanasan.

Mga karaniwan ngunit mahahalagang manggagawa na buong-giting na nakikipaghabulan sa di-nakikitang virus para lang makapamuhay at malagyan ang kuma- kalam na sikmura ng mahal na pamilya.

Mga eksperto at dalubhasa sa medisina, na walang humpay sa pagtuklas ng mabisang gamot o bakuna na maaaring magamit para tuluyang mapuksa ang virus.

Mga tagapagpatupad ng batas, na walang pasubaling ginagampanan ang kanilang tungkulin para lamang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan ng ating bayan at makuha na muli ang tiwala ng taong-bayan.

Sa mga karaniwang mamamayan, na buong giting at lakas ng loob na naglulunsad ng mga proyekto para makatulong sa kapwa, tulad ng “Community Pantry” isang makabagong bayanihan o pagtutulungan na handang isakripisyo o ibigay ang anumang nasa kamay maka-ambag lamang sa naghihirap at apektadong mga kababayan.

Marami na tayong nababasa at napapanood na mga kuwento ng kabayanihan at katapangan. Hinahangaan natin sila pero hindi dapat matapos sa paghanga lamang, bagkus gawin natin silang inspirasyon para tularan at maging instrumento ng pagkakawanggawa.

Ayon sa kasabihan “ Ang lihim na kabayanihan ay siyang pakikinabangan” hindi na kailangan pang ipangalandakan ang anumang nagawang kabutihan, bagkus ay gawin sa pinakasimpleng paraan upang makatulong at mapasaya ang ating kapwa. Marami tayong magagawa, pwede tayong maging bayani sa simple nating pamamaraan, basta’t gawin lamang nang bukal sa kalooban.