By
Analiza P. Astillero
T-III, Filipino Dept. – MNCHS
Taglay ang gandang nakabibighani, naglalakad siyang may ngiti sa mga labi at kislap sa mga mata. Hindi maikakailang ang yumi at dalisay niya ay dumaragdag sa kanyang angking kagandahang nagiging dahilan upang siya’y lalong minamahal ng mga tao sa kanyang palibot.
Siya si Paraluman, bagamat sinasabi niyang hindi na siya nasa rurok ng kabataan, inaamin niyang hindi siya nagpapabaya sa kanyang pisikal na anyo, hindi lamang para sa sarili kundi dahil may iniingatan siyang reputasyon – ang kanyang propesyon.
Matagal-tagal na ring nasa larangan ng pagtuturo si Paraluman. Sa katunayan, dito na mas nahubog ang kanyang pagkatao. Sariwa mula sa kanyang pagtapos sa kolehiyo, naipasa kaagad niya ang kanyang propesyional na pagsusulit para sa mga guro at buwan lamang ang binilang nang siya ay mapasali sa mga bagong nakapasok sa larangan ng pagtuturo.
Maingat at likas na hindi balbal sa pagsasalita si Paraluman dahil alam niyang marami ang maaaring pumuna sa kanyang bawat sasabihin at galaw. Hindi rin siya magaslaw at tinuturo niya sa kanyang mga mag-aaral ang pino ng bawat pagsasalita at pakikitungo sa kapwa.
Nagkakaedad siyang napapalibutan ng mga konserbatibo at mapanuring mga mata. Mga mas nakatatandang gurong walang ginawa kundi manita tungkol sa kolorete sa mukha, haba ng unipormeng palda at ayos ng buhok tuwing nasa eskwela. Hindi noon maintindihan ni Paraluman kung bakit kailangang “pakialaman” ng ibang tao ang mga simpleng bagay na ito. Hanggang sa dumating siya sa makabagong mundong ginagawalan niya ngayon.
Dahil siya na ang mas nakakatanda, marami na ring obserbasyon at muni-muni sa loob ni Paraluman. Pilit niyang iniintindi at sinasayabayan ang mga pagsasalita at pagkilos ng mga mas batang guro. Marahil ito ay dahil sa nais niyang masabayan ang pagbabago at maging mas “relatable” sa mga estudyante niya – inaral niyang maging mas “millennial” ika nga. Ngunit, habang lumalaon, napapansin ni Paralumang parang nalilihis sa hindi kanais-nais na direksiyon ang kanyang inuukol sanang “mabuting” layunin para sa sarili at para sa kanyang mga tinuturuan.
Nabarkada siya at napasama sa mga “millennial teachers” na mas mapupula pa ang mga labi kesa sa mga nagtatrabaho sa mga panggabing bar, mas malalakas pang tumawa at magkwentuhan kesa sa kanilang mga estudyante at makikitang mas aktibo pang magpost ng kung ano-ano sa social media. Hindi naman sa nagiging manang na at tradisyonal si Paraluman, ngunit sa loob nya, nais nyang ipabatid sa mga makabagong guro ang kanilang moral na obligasyon sa lipunan.
Ang tunay na kahulugan ng isang modernong guro ay marunong makisabay sa kung ano ang hilig at gusto ng kabataan na hindi nakokompromiso ang kanyang pagkatao. Yung nasasabayan ang kanilang hilig na tugtog nang hindi nailalagay sa malaswang konteksto ang liriko ng bawat awit at yung nakakapagpost sa social media ng walang naagrabyong dignidad o pagkatao ng iba.
…taglay ang gandang nakabibighani, naglalakad siyang may ngiti sa mga labi at kislap sa mga mata. Hindi maikakailang ang yumi at dalisay niya ay dumaragdag sa kanyang angking kagandahang nagiging dahilan upang siya’y lalong minamahal ng mga tao sa kanyang palibot… eto si Paraluman ngayong umaga, tinalikuran ang lahat ng masasama at negatibong kasamahan upang tahakin ang mas kaaya-ayang landas… isang dakilang gurong ang tanging mithiin ay makapagturo at gabayan ang mga bata sa tamang pagkatuto.