Ni: Arlin A. Jardin
MT–I
MNCHS

Mahirap maging tapat sa lahat ng pagkakataon pero mas mahirap ang mawalan ng dignidad.

Inilabas ng Kagawaran ng Edukasyon sa pamamagitan ng Office of the Undersecretary for Curriculum and Instruction ang memorandum DM -OUCI – 2021 – 395 noong Setyembre 20, 2021 tungkol sa “Promoting Academic Honesty”.

Ayon sa memorandum na nilagdaan ni Undersecretary Diosdado M. San Antonio, kailanman ay hinding – hindi papayagan ng Kagawaran ng Edukasyon ang anumang uring pandaraya sa pag – aaral. Mananatiling pahahalagahan ng kagawaran ang katapatan sa pag – aaral upang patuloy na mapangalagaan ang integridad ng bawat mag – aaral at institusyon sa kabuoan. Malinaw ang pangkalahatang layunin ng kagawaran na makalikha ng ganap, buo at kapaki -pakinabang na literasi sa bawat mag – aaral at patuloy na maisulong ang makabuluhan at may kalidad na edukasyon.

Nabanggit  din ang sumusunod ang ilan sa mga maituturing na pandaraya:

  • ang gumagawa/sumasagot sa modyul ay kaibigan o sinumang miyembro ng pamilya
  • nangongopya ng mga akda/sulatin mula sa anumang website at ginagamit bilang sariling gawa ng mag – aaral
  • mga takdang – aralin, pagsulat at iba pa na sinasagutan ng ibang tao na ang kapalit ay pera.
  • at iba pang may kaugnayan dito na nakikitang bunga ng hindi pagkakaroon ng face to face classes dahil na rin sa pandemya.

Agad na nagsagawa ng  aksyon ang kagawaran upang mapanatili ang integridad ng pag – aaral. Isinagawa ang oryentasyon upang mapataas ang kamalayan ng magulang sa sinasabing FB page na may pandarayang isinasagawa, pagmonitor sa gawaing online ng mga mag – aaral, pagbuo ng mga Self Learning Activity Sheets (LAS) upang mahasa ang kakayahan ng mga mag – aaral sa pagsusuri ng mga impormasyon,makabuo ng mga malikhaing presentasyon at maipaliwanag ang kanilang mga ideya at mga pananaw, pinalakas ang pagbibigay ng konsultasyon at feedback sa mga mag – aaral. Ito ang ilan sa mga naging tugon ng kagawaran upang ipaalala ang kahalagahan ng pagpapanatili ng katapatan at integridad ng resulta ng mga pagtataya at gawaing pagganap ngayong ipinatutupad ang Distance Learning.

Ang edukasyon kailanman ay hindi dapat dinadaya. Dahil sabi nga ng

Matatanda sa ating diyalekto, “baga ka man lang naghuyop sa lusong. Huyop mo, balik sa pamayhon mo.” Totoo at napapanahon ang kasabihang ito. Kapag ang pag – aaral ay dinadaya at mataas na grado ang nakukuha kahit wala naman talagang natutuhan, kadalasa’y magbubunga ng hindi maganda. Kung kaya’t kailangan ang ibayong pagsisikap sa pag-aaral nang matutuhan ang mga aralin sa tamang kapamaraanan nang sa gayu’y magdulot na panghabambuhay na matatag at produktibong bunga.