by Vino T. Zaragoza
Teacher III, Bolo NHS
Mulang mag-umpisa ako magturo, isa sa mga ginawa kong panukat sa aking kakayahan sa pagtuturo ay ang magbibigay puna ang aking mga estudyante sa uri, istilo, at paraan ko sa pagtuturo. Dati ang tangi kong pakay lamang ay kumuha ng komento o suhestyon sa aking mag-aaral para maging souvenir ko sa kanila bilang guro. Sa katunayan nga pinasulat ko ito sa isang bondpaper at may pamagat na “Sir vine thank you and Goodbye”. Sabi ko sa aking estudyante ang thank you ay para sa positibong komento sa aking pagtuturo at ang goodbye ay para sa negatibong komento. Pina-hardbound ko iyon.
Pagkatapos ko basahin ang bawat pahina, napagtanto ko na napakaraming magagandang bagay akong natutunan kasama na rin ang mga pagkukulang. Pero imbes na magalit ako o di kaya magtampo nagpasalamat ako sa aking mga estudyante. Nagkaroon ako ng malalim na pagsusuri sa aking mga nabatid at ginamit ko itong hamon at inspirasyon sa aking pagtuturo.
Noong nagkaroon ng pagpili para 2013 Most Outstanding Teacher-Public Secondary Level, isa sa mga binida ko sa mga hurado ay ang isa sa mga best practices na ginagawa ko sa aking klase. Hindi naman sa nagbubuhat ng sariling silya pero ako lang ang gumagawa ng ganito sa aming paaralan.
Hanggang ngayon naging pamantayan ko na ito sa aking pagtuturo. Paano? Pagkatapos ng isang markahan, ginagawa ko ito sa pamamagitan ng pagsusulat sa isang kapirasong papel ang positibo at negatibong komento sa aking pagtuturo. Pinaaalahanan ko sila na kung nahihiya na isulat ang pangalan, pwede.Maaari rin magkomento sa ugali ng guro kung kinakailangan.
Nakakataba ng puso kapag mabasa mo na may nagsasabing maraming akong natutunan; mas gusto ko ang pagtuturo mo dahil nakangiti; gusto ko ang malakas mong boses; magaling magpaliwanag ng paksa; laging may visual aid; nagpapatawa sa klase minsan;at pati kilos ko ay pinupuna. Ayaw naming nagagalit; boring magturo; nagsesermon sa klase; nagpapahiya sa klase at nakaupo lang ang guro sa table. Ilan sa mga negatibong komento.
Ang anumang komento, puna at panlalait kung meron man ay pinag-aaralan ko kung ano ang mga gagawin sa susunod na markahan. At sinasabi ko rin sa kanila na paalalahanan ako kapag may nagawa o nauulit akong negatibo sa aking pagtuturo.Pinahahalagahan ko ang kanilang mga puna dahil ito ay nagiging pamantayan ko upang pag- ibayuhin ko ang aking sinumpaang propesyon.
Hindi maikakaila ayaw nating mapuna o mapintasan ng ating mga estudyante lalo na kung pupunahin ang ating pagtuturo. Alam ko hindi sila maglulubid sa buhangin kung ano ang kanilang nakikita at napapansin. Isantabi na natin ang mga makalumang konsepto na bida tayo sa loob ng klase. Hindi naman tayo perpekto sa ating pagtuturo. May mga pagkukulang tayo kahit sabihin pa natin tayo na ang pinakamagaling.
May mga guro rin nabahag ang buntot o balat sibuyas sa mga puna ng estudyante. May ilan pa nga napag-iinitan ang naturang estudyante. May banta pang kasama. Ilan din sa atin mananatili doon sa prinsipyong “guro ako at di ko kayo ka-level”. Minsan pa nga kapag ang guro ay nakatanggap ng isang negatibong puna, nagiging magalitin at nagiging terror sa klase.
Marahil may mga gurong magtataas kilay sa ginagawa ko. Baka nakakalimutan natin na Child centered tayo. Ang mga baluktot at paurong na prinsipyo sa pagtuturo ay nagiging balakid din kung bakit may mga mag-aaral tayo na namalayan na lang natin iniiwasan, inaayawan o kinamumuhian kapag tayo ay nasa harap nang klase.Tulog sa klase, liban o di kaya madalas lumalabas ng classroom. Swerte mo kapag may nag “good morning” pa sa iyo.
Ang sarap ng pakiramdam kapag napili kang paboritong subject, nakikiusap at nagyayaya na magklase tuwing vacant time sa subject mo.Magulat ka nalang nag-uunahan pumasok sa klase mo. Ramdam mo ang excitement nila. Hindi lang ditto nagtatapos ang mga papuri, kahit sa social media ngayon ang mga dati kong estudyante ay hindi pa rin nawawala na alalahanin ako noong ako’y nagtuturo sa kanila.
Isang hamon din sa atin bilang guro angTeacher Evaluation anumang paraan ang gamitin rito. Ang mahalaga bukas at malawak ang pang-unawa sa ganitong pag-iiskala ng ating kakayahan lalo na mula sa mga estudyante. Hindi patas. Hindi makatarungan. Kahit ano pa ang isipin natin. Higit sa lahat bilang guro, isipin na lang natin na ang makikinabang nito ay hindi lang estudyante pati na rin tayo. Magkaroon ng malaki at mataas na tiwala sa ating sarili.