ni Analiza P. Astillero

 

Sinasabing isa sa mga pinkadakilang propesyon sa mundo ay ang pagtuturo. Hindi lamang dahil sa mga kamay ng mga guro nakasalalay ang kinabukasan ng mga batang kanilang pinaglilingkuran,  dahil ito ay nangangailangan din ng isang marubdog at malalim na determinasyon upang maisabuhay ang makabansa,  makatao at maka-Diyos na pagbibigay ng salin-aral sa kabataan ng makabagong henerasyon.

Balik tanaw sa panahon ng aking kabataan at nasa Mataas na Paaralan pa lamang, hindi ko mahinuha na ako ay makakapasok at makakarating sa mundo ng edukasyon. Noon pa lamang, akin nang minithing maging parte at maglingkod sa larangan ng pamamahayag o di kaya ay kumersyo. Ngunit, sa di inaasahang pangyayari, ako ay napadpad sa isang mas maaliwalas at mas nakakamanghang mundo ng pagtuturo.

Hindi maiaalis sa aking puso ang maliit na panghihinayang nang una akong pumasok sa paaralang aking pinagtuturuan. Ako ay naitalagang magturo sa isang asignaturang alam kong masusubok ang aking abilidad at pasensiya. Sa kabutihang palad, napasama ako sa isang kagawarang naghimok sa akin upang mas maging matatag at maipakita ko ang aking natatagong talento na ngayon ay aking nagagamit upang maging isang mas matatas at aktibong guro sa Filipino.

Sa kasalukuyan, ako ay kasama sa isang kagawarang ang tanging layunin ay makapagbigay aral sa kabataang Komprehensibo. Dito ko natutunan ang tunay na kahulugan ng pagsisilbi sa kapwa ng walang ibang nais kundi ang mapabuti ang bawat mag-aaral na aking tinuturuan.

Ngunit sa tagal ng aking pagtuturo, nagkaroon na rin ako ng pagkakataong makilatis at makilala ang iba’t-ibang uri ng guro. Sila ay ang mga sumusunod: (Paalaala: Ito po ay aking nilikha para sa kasiyahan lamang. Wala po itong intensyon upang manakit o manapak ng kapwa)

Madam Terror – yung tipong titig pa lang ni Mam ay mararamdaman mo na ang nginig ng bawat mong kalamnan at pintig ng iyong puso. Ang uri ng gurong pag sinabi nyang “deadline” ay “deadline”, walang extensions at kahit pa matawag mo ang sampung daang santo ay di ka na makakapasa ng awtput mo kapag lumagpas ka na sa deadline nya.

Miss Congeniality – Siya ‘yong gurong kaibigan ng lahat. Simula sa kanyang mga kasamahan hanggang sa kanyang mga mag-aaral. Ang problema, ilan sa mga studyante nya ay hindi na marunong lumugar kung kalian lang dapat sabayan ang kabaitan ni Mam. Paborito siya ng lahat ng mag-aaral niya at nakataas naman ang isang kilay sa kanya ni Madam Teror.

Catriona Gray – Nasa kanya na ang lahat! Siya ang titser na hindi lang maganda at matalino, mabait at maasahan pa kapag may problem aka. “Beauty with a purpose” ika nga. Talo niya syempre sa talakayan si Miss Congeniality pero hindi siya ang pinakapaborito ng mga bata dahil masyadong mataas ang tingin nila sa kanya. Madali siyang lapitan sa oras ng problema pero di mo alam kung pano ka magsisimula dahil naiilang ka sa amoy niyang mala-rosas.

Aling Nena – Siya yong gurong my mini sari-sari store sa loob ng silid niya. Yong tipong extended ang oras ng recess ninyo dahil may isang oras kayo upang bumili at kumain sa loob ng klasrum niya. Gustong-gusto siya ng mga bata dahil bukod sa nauutangan siya ng snack ay di rin siya masyadong makapagturo dahil busy siyang magbilang ng sukli para sa kanyang mga paninda.

Teacher/Guard – siya yong guro na, DYA-GWAR pa. Binabantayan niya lahat ng kilos ng kanyang mga mag-aaral at striktong “No ID No Entry” ang kanyang number 1 policy sa klase. Bawal ang walang dalang kwaderno’t aklat, naka white tshirt, naka rubber shoes at ma-late ng kahit isang minuto sa kanyang klase. Tiyak, sa labas ng silid ka makikinig sa kanyang ituturo kung lalabag ka. Si Madam Terror ang madalas niyang kausap para ikompara kung magkaparehas sila ng listahan mga batang pasaway.

Radio Announcer – Siya yong gurong buhos boses kung magturo. Yong hindi ka lang mabibingi sa lakas ng kanyang boses, mangangailangan ka pa ng kapote para panangga sa talsik ng kanyang laway kung nasa first row ka. Mabait si titser radio announcer at madalas pang makipag-ML sa knyang mga studyante.

Glee Club President – Pagpasok mo palang sa kanyang silid, aalingugngog na ang mga kantang iyo ring maririnig sa playlist ng tita mong batang 90’s. Halos lahat ng kanyang mga activities sa loob ng klasrum ay may musical o song interpretation. Gusting gusto siya ng mga batang pabibo at musically inclined.

Mysterio – Hindi mo alam kung anong pagkatao ang bumabalot sa kanya – tahimik, hindi palangiti ngunit mabait at hitik sa mga bagay at kaalaman. Palaging may “trivia” bago magsimula sa kanyang pagtuturo at sa hindi maipaliwanag na dahilan, mahal siya ng kanyang mga mag-aaral at parating binibigyan ng pasalubong kapag binibisita ng kanyang mga dating estudyante.

Quizer – “Get ¼ sheet of paper.” Ang kanyang paboritong linya. Kinaiinisan siya ng karamihan sa kanyang mga estudyante dahil kahit hindi pa natatalakay na aralin ay kanya nang bibigyan ng quiz. Iiyak ang linggo kung hindi makapag-quiz si Quizer. Tatanda siyang papunta sa pagiging Madam Terror

Mars – Si teacher na parang talk show host kung makapagtanong sa tuwing may recitation. Minsan kakabahan ka sa sobrang teknikal ng kanyang mga tanong at minsan nama’y sisiw lang ang mga ito dahil walang mga kaugnayan ang mga tanong sa natalakay na aralin. Mahilig rin si Mars magkwento ng kanyang talambuhay na minsan pati problema nilang sasainging bigas ay nakekwento na niya sa loob ng kanyang silid aralan.

Bookworm – “NO Book NO Entry” ang malaking sign na nakapaskil sa kanyang pinto. Siya yong tipong araw-araw kailangang magbasa ng mga estudyante dahil hindi rin niya nabasa ang aralin para sa araw na iyon. Masaya ang mga bata kapag si bookworm na ang kanilang guro dahil hindi naman talaga sila nagbabasa kundi nagkekwentuhan lang hanggang tumunog ang school bell. Semi Aling Nena rin si bookworm.

Adviser – Siya ang huling taong dapat mong ginagalit dahil hawak niya ang alas mo. Si adviser ay madals kombinasyon ng lahat ng mga nabanggit. May mga araw na siya ang pinakamasayang kasama, ngunit may mga araw ring parang hindi na maguhit ang mukha ni adviser dahil napatawag na naman sa guidance ang isa sa kanyang mga pasaway na estudyante.

Ilan lamang sila sa mga tauhang sumasalamin sa ating mga kawani sa Kagawaran ng Edukasyon. Uulitin kong, ito ay para sa kasiyahan lamang. Kung meron mang nasaktan o nasagasaan sa aking paglalahad, ipagpaumanhin niyo po.

Bilang mga guro, tayo ay may ginagampanang mga karakter na labas sa ating mga natural na pagkatao. Araw-araw nagsusuot tayo ng maskara upang mas mapabuti ang ating pagbibigay ng kaalaman sa ating mga tinuturuan. Mahirap man itong maunawaan ng iba, ngunit ito ang isa sa mga dahilan kung tinatawag na dakila ang isang guro.