ni Aimee R. Rivera
Ang pag-aaral sa kindergarten ay ang simula ng bagong yugto ng mga bata. Napakahalaga na ang paaralan at magulang ay nagtutulungan upang alalayan ang mga bata na maka- angkop sa buhay paaralan.
Para sa isang limang taong gulang na mag-aaral, ang pagsisimula ng buong araw sa paaralan ay isang kawili-wili, kapanapanabik at may magkahalong saya at takot na nararamdaman sapagkat isa ito sa mga bagong hakbang sa kanilang buhay.
Paano ba nagsisimula ang unang araw sa kindergarten?.Paano ba magpatigil ng batang umiiyak na ayaw mawalay sa kanilang mga magulang? Ilan lamang ang mga ito sa mga karanasang hindi ko makakalimutan bilang guro sa Kindergarten.
Kumusta? Kumusta, kumusta ang una naming awitin. Isang buong araw, isang linggo, o isang buwan para siya tumahan. Ako’y tuwang- tuwa, sapagkat katulad ng nabanggit sa awitin. Ang batang ayaw magpaiwan ay masaya na tumatakbo patungo sa paaralan.
“ Titser hindi ko po kaya.” “ Hindi pa po ako marunong magsulat.” Linya na madalas na mapapakinggan. “ Titser wala po akong lapis, krayola o papel.” Snack time na!! “Titser wala po akong baon.” Ito ang mga linyang hindi mawawala araw- araw. Agad agad nandyan ka para sila ay gabayan at mga senaryong ito sa loob ng klasrum ay agad na mabigyan ng kalutasan
Maraming oras din ang aming pag-awit na kadalasa’y sinasabayan ng sayaw. Mga awiting minsan ay wala sa himig, na di nila alintana, ang mahalaga ay masigla kang kumakanta at sumasayaw sapagkat kilos mo’y inaabangan nila.
Limang araw sa isang lingo na kami’y magkakasama. Nakakawiling pakinggan mga tawanan at ingay na para bang musika. Mga away- bati sa tuwi-tuwina binibigyan ng paulit- ulit na mga paalala upang higit nilang maunawaan at hindi makalimutan.
Sampung buwan sa isang taon, isang malaking karangalan ang makatulong ka sa mag-aaral na magbilang, magsulat, magbukas ng baunan, makipag-usap sa tao nang hindi nahihiya, makapagbutones ng damit, magtali ng sintas. Ito’y ilan pa sa maraming mga kakayahang kailangan sa mag-aaral ay malinang.
Puso ko’y nagagalak at hindi nila nakakalimutan ang mga masasayang araw kasama ang kanilang guro sa paaralan. Sa mga alaala na kay sarap balikan na kahit sa isipan man lang ay hindi mahahadlangan ng pandemyang ating nararanasan. Nakakalungkot nga lamang dahil wala ang mga mag-aaral sa paaralan. Ngunit hindi ito dahilan para tayo ay panghinaan. Bagkus, tayo ay magtulungan upang ito ay ating mapagtugumpayan.