by Gypsy A. Fernandez
Mababang Paaralan ng Julian V. Antonio

 

Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala –Gat. Jose Rizal.

Agosto, sa buwang ito lagi natin ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika na kung saan ay ginugunita ang kahalagahan ng Wikang Filipino. Ang pinaka-importanteng tanong ay naaangkop pa nga ba ito sa panahon ngayon? Dahil marami sa mga Pilipino ngayon ang may mas mataas na pagpahahalaga sa wikang banyaga lalong-lalo na sa salitang Ingles kaysa sa ating pambansang wika.

Sa kabilang banda, nakatutuwang isipin na sa mga panahong ito maririnig natin ang ating mga kasamahan na sinusubukang magsalita ng diretsong Filipino kaya lamang, kung ating mapapansin, karamihan kung hindi man lahat, ay nahihirapan sa paggamit ng ating Wikang Pambansa.

Kung ating iisipin parang may mali, hindi ba? Sariling atin ngunit nahihirapan tayo sa pagsasalita? Paano nangyari yun? Marahil sa mga totoong tagalog o laking-Maynila ay hindi isyu ang ganito pero sa ilang probinsya gaya dito sa atin, ito ay isang malaking isyu na kinakaharap. Ang mga tagapagsalita sa mga pagtitipon dito sa atin     ay madalas na mapapansin na gumagamit     ng pinaghalong Minasbate at Ingles. Ang napakalaking tanong ay BAKIT? Dahil kung susuriin, mas bihasa pa sila sa paggamit ng Ingles kaysa sa Filipino.

Ang ibig bang sabihin nito ay mas pinag-aaralan natin ang wikang Ingles kaysa sa ating sariling wika? Mas itinuturing ba natin bilang pangalawang lenggwahe ang Ingles kaysa sa Filipino? O simpleng mas ipinagmamalaki nating gamitin ang wikang banyaga kaysa sa mismo sa ating wika dahil sa kaakibat nitong pagkilala at paghanga? Batayan nga ba ng pagiging matalino ang pagiging magaling sa pagsasalita ng wikang banyaga kaysa sa pagiging matatas sa pagsasalita ng ating sariling wika? Minsan, nakatatawang isipin na tayong mga Pinoy ay nagpupumilit at nagpapakadalubhasa sa paggamit at pagsasalita ng wikang banyaga samantalang hindi natin maitanggi na nahihirapan mismo tayo sa’ting sariling wika. Hindi ba ito malaking sampal sa ating pagiging Pilipino?

Sa kabilang dako, nakalulugod isipin na meron din namang mga dayuhan o banyaga ang nabibighani at nagnanais na matutuhan ang Wikang Filipino. Katulad ng napakarami ng halimbawa nito na naipalabas sa telebisyon. Ano? ‘’Banyaga at Wikang Filipino’’? Natatawa tayo tuwing naririnig natin silang pinipilit magsalita ng Filipino kahit pa madalas ay baluktot pakinggan. Pero kung lubos nating iisipin hindi ba masarap sa pakiramdam na ang ating wika ay nagugustuhan at ginagamit ng ibang lahi? Bakit tayo mismo hindi natin kayang gawin? Samantalang ang iba naman sa atin ay ikinahihiya pa ito. Hindi ba talaga maaari na ‘’Pilipino para sa Wikang Filipino? Bakit? Dahil hindi ‘’COOL’’ pakinggan? Samantalang ‘’astig’’ kapag wikang dayuhan?

Nahihirapan ‘’daw’’ ang iba sa atin sa paggamit at pagsasalita ng Filipino pero ang katotohanang marami ang nakaiintindi at nakakapagsasalita sa mga nauuso ngayong salita na kagaya ng “gay lingo”, bekimon, jejemon at mga kantang Korean na kinakanta kahit di naiintindihan at kung anu- ano pa ay hindi natin kaya mapasinungalingan. At ang nakamamangha pa dito ay hindi naman ito ang ating opisyal na wika ngunit ang impluwensya nito ay napakalawak na kahit saang lupalop ka ng Pilipinas pumunta ay merong nakauunawa. Ano ang meron sa mga ito na wala sa Wikang Filipino?

Panahon na ba para pagtibayin at pag-ibayuhin ang mga panukalang batas sa     paggamit ng pambansang wika sa ating bansa? Nakatatakot isipin na baka dumating ang panahon na maging estranghero tayo mismo sa ating sariling wika. Kung ang pagiging magaling sa paggamit at pagsasalita ng wikang banyaga ang magiging basihan sa pagiging maunlad ng isang bansa, malamang diyan ay manguna ang Pilipinas ngunit saang bahagi ng salaysay na ito natin hahanapin ang saysay na minsan ay ipinaglaban ng ating mga bayani… Pilipinas, mga kapwa ko Pilipino, kayo na po ang bahalang humusga.

 

Copyright Reserved