ni Gypsy A. Fernandez
Teacher III of Julian V. Antonio Elementary School
Naranasan mo na bang gumising ng maaga para habulin ang maagang byahe papuntang paaralan? Ang maglakad ng ilang kilometro sa matarik at madulas na daan at ang makipagsapalaran sa malalaking alon sa dagat? Kung hindi pa, ikaw ay mapalad sapagkat hindi mo nararanasan ang mga napagdadaanan ng mga gurong bumabyahe araw-araw para lamang makapasok sa paaralan at makapagturo sa mga estudyanteng sa kanila ay naghihintay. Ang peligrong dulot ng madulas na daan o maalong dagat ay hindi nila alintana sapagkat mas nangingibaw sa kanila ang pagnanais na makapagturo sa mga batang uhaw sa kaalaman.
Ang sarap isipin na kahit papano ay may mga guro pang handang maglaan ng oras at buhay. Ang kanilang dedikasyon sa pagtuturo ay hindi mababayaran ng kahit anumang salapi sapagkat ang kanilang hangad lamang ay ang ikabubuti ng kanilang mga mag-aaral. Saludo ako sa mga gurong araw-araw bumabiyahe para lamang makarating sa paaralan. Hindi biro ang propesyong ito. Debosyon, dedikasyon at purong atensyon ang kailangang pag-ibayuhin upang magampanan ang kanyang trabaho, obligasyon at responsibilidad. Nanumpa ang guro upang magturo. Magaan sa pakiramdam tingnan at pakinggan ang mga gurong ang tanging hangad lamang ay magsilbing ehemplo ng mga kabataan at pamayanang kinabibilangan. Maituturing ngang isa sa pinakadakilang propesyon ang pagtuturo sapagkat tayo ang pumapanday ng karakter, abilidad, isipan at talento ng sambayanan upang maging mahusay na mga lider o propesyonal sa hinaharap.
Hindi na nila iniisip pa sa ngayon kung malayo o matarik ang daanan o kung maalon ba ang dagat. Ngayon ko napatutunayan na ang propesyong ito ay hindi sa lapit o layo ng paaralan kundi isang kaloob na dapat ipaglingkod nang walang hinihinging kapalit. Propesyong punong-puno ng dedikasyon na ang nagiging bunga ay kayamanang maituturing dahil ang mga produkto ay mga propesyunal na maituturing.Wala nang puwang ang pagod para sa kanila. Hindi na nila ito alintana kung ang bawat pawis naman at dugo na kanilang binubuhos, ang katumbas naman ay isang mahusay na estudyanteng maaaring maging lider ng ating lipunan.