By: Roderick A. Jardin
Guro III
MNCHS

May oras ng kalungkutan, oras ng tuwa
May oras upang tayo’y gumawa’t magpahinga
May oras ng pagsubok, oras ng paglaban
May oras ng pag – ibig, may oras ng galit

Ito ay mula sa liriko ng awiting “Oras” na kinanta ni Freddie Aguilar.

Ang mga guro ay walang tigil sa pagtuklas ng karunungan upang patuloy na makaagapay sa pangangailangan ng bawat mag – aaral  sa loob ng klasrum. Ang mga mag-aaral naman ay walang tigil na nagpapanday, humuhulma at nagpapakinis gamit ang ibat ibang mabubuting kapamaraanan, mga proyekto, mga kasanayan at iba pang makapagpapataas ng kanilang kakayahan.

Sampung buwan ang isang panuruang taon. Sampung buwan na kaliwa’t kanan ang mga proyekto, mga presentasyon, pag-uulat, takdang-aralin, mga eksaminasyon at marami pang iba na ibinibigay ng mga guro sa walong asignaturang pinag – aaralan ng bawat mag-aaral. Hindi maaaring mag relax para manatiling mataas ang grado o para maiwasang hindi makasabay sa pagkatuto ng lahat. Bahagi na ng pag – aaral ang tensyon, pagpupuyat at pagkapagod na nangangailangan ng pag – agapay mula sa tahanan hanggang sa paaralan.

Sa pagdating ng buwan ng Disyembre ay nariyan ang Christmas break na para sa mga guro at mga estudyante. Mayroon ding semestral break na para sa mga mag-aaral na tumatagal ng pitong araw. Ito ay nangyayari sa kalagitnaan ng taong panuruan (limang buwan matapos ang pagsisimula ng klase o pagkatapos ng ikalawang kwarter). Layunin ng break na ito na  mabigyan ang mga mag-aaral ng sapat na panahon upang pansamantalang  makapagpahinga mula sa puspusang pag-aaral.

Ayon sa diksyonaryo, ang salitang break ay “Pagtigil mula sa isang gawain o anumang aktibidad”. Mahalaga ito upang mabigyan ng balanse ang pagitan ng pag – aaral at kalusugan ng mga mag – aaral.

Ngunit sa matagal na panahon hanggang sa kasalukuyan ay marami pa rin sa ating mga guro ang nagpapadala ng takdang-aralin o mga gawain sa mga mag-aaral kahit sila ay nasa panahon ng Christmas break o semestral break. Sabi nga ng isang guro, “Dili gusto sabihon na break kamo wara na gayud kamo hihimuon na hali sa eskwelahan.” Sa unang dinig ay tama ngunit hindi ito nagpapakita ng paggalang sa panig ng mga mag-aaral.

Naalala ko tuloy ang sinabi noon ng aming tiyahin sa aking kuya matapos nitong maglampaso sa bahay nila ‘Miyo, tapos kana maglampaso? Sige, mientras naga diskanso ka adi an sundang pagguna-guna na anay sa labas san pader.’

Masakit isipin at nakakalungkot ang ganitong klaseng asal o gawi ng isang tao sa kanyang kapwa.

The Department of Education values the importance of spending Quality time with the family. The Christmas season provides an opportunity for Filipino learners to strengthen their emotional bonds with their family. In view of the foregoing, the Department issues this Order amending the start of the Christmas break from December 22, 2018 as provided in Paragraph 10 of Deped Order No. 25 Series of 2018, to Saturday, December 15, 2018.

Ito ang laman ng Deped Order No. 049 series of 2018. Malinaw sa kautusang ito ang pagnanais ng kagawaran na mabigyan ng sapat na panahon ang mga mag – aaral na makasama ang kani – kanilang pamilya.

Ito ay isang  panawagan para sa lahat. Igalang ang karapatan sa malayang oras o panahon ng isang mag – aaral o isang indibidwal. Sa gitna ng mabilis na ikot ng ating mundo ngayon, totoong napakahalaga ng salitang “pahinga”, upang manatiling humihinga at patuloy na maging produktibo. Sabi nga, mahalaga ang kalidad kaysa sa maramihan na wala namang kabuluhan. Tulad ng isang makinang nangangailangan ding magpalamig upang manatiling umaandar sa magandang kondisyon.

Sa nakalipas na mga taon hanggang sa kasalukuyan ay masusing binabantayan ng inyong lingkod ang hinahawakang advisory class sa ganitong mga usapin. Kapag may iniulat na nagpapadala ang ilang guro ng anumang gawain sa panahon ng Christmas break o academic break, ito ay agad na pinupuntahan at pinapakiusapang kung maaari sa pagbabalik na lamang ng mga estudyante ito ipagawa. Ang pakiusap na ito ay napagbibigyan naman at nakatutuwang isiping nagkakaroon ng panahon ang mga mag – aaral ng sapat na pahinga upang sa pagbabalik eskwela ay mayroong ulit maibubuga dahil ang utak at katawan ay nakapag recharge.

Ikaw na bumabasa ng artikulong ito, pakiusap, igalang at pahalagahan natin ang kalayaan sa pamamahinga at oras… Ito ay lubhang napakahalaga