Ni: Vino T. Zaragoza
SEPS-M&E- DepEd Masbate City
Sariwa pa sa aking imaginasyon ang pagbisita ng ating Santo Papa noong lumapag ang kanyang sinasakyang eroplano na sumilip sa bintana na nakangiti at galak na makita ang mga taong matagal ng naghihintay sa pagdating niya. Ang kanyang ngiti ay maraming gustong ipabatid sa lahat na nakaabang sa kanyang pagdating. Ngiting magpapawi ng pagod, pupuno sa galak at magdadala ng inspirasyon sa bawat nakakita.
May mga pag-aaral sa kultura ng mga Pilipino na ang isa sa mga umaangat sa katangian nating Pilipino ay ang mataas ang tiwala at pag-asa natin sa kabila ng mga pagsubok na dumating sa buhay. Sa kabila ng naghihikahos pero di pa rin makalimutan ang ngumiti sa pag-asang ang lahat ng ating inaasam, mga pagsubok, at paghihirap ay may katapusan at may dalang pag-asa.
Malaki ang nagagawa ng simpleng ngiti sa buhay natin. Nagpapagaan ng pakiramdam sa ating sarili ang madalas na pag ngiti. Sa katunayan anumang iniinda nating sakit ay naiibsan kapag tayo ay nakangiti. Karamihan ng nakakasalubong natin ay may sambit na pagbati sa ginagawa nating pag ngiti. Ang maganda pa rito nakakahawa ito sa ibang tao.
Sa bahay, ang ngiti ay may papel na ginagampanan sa lahat ng miyembro ng ating pamilya. Ang anumang gusot at di-pagkakaunawaan ay napapadaling malutas dahil sa matamis na ngiti habang pinag-uusapan. Normal naman ang taas-boses sa mga puntong di-nagkakaintindihan pero kung dadaanin ito sa isang marahan at maaliwalas na mukha at sabayan pa ng ngiti, tiyak mapapawi ang anumang sigalot at napapadali ang paghilom ng sama ng loob.
Sa paaralan, ang isang palangiting estudyante ay kinagigiliwan ng kanyang mga kaklase pati ang guro niya. Palakaibigan at mabait ang madalas itawag sa kanya. Minsan sa usapan siya ang pulutan at minsan pa nga kinaiinggitan na. Lapitin siya maging sa katapat niyang kasarian.
Sa anumang trabaho ang palangiti ay isa na sa mga katangiang hinahanap. Sa katunayan nga sa bansang Japan meron na silang apparatus para sukatin ang ngiti. Napag-alaman sa pag-aaral na ang ngiti ay may positibong dulot sa sinumang nag-aangkin nito. Tulad sa mga estudyante kinagigiliwan at nagiging popular ang taong palangiti sa anumang larangan.
Bilang guro ang ngiti ay naglalarawan sa uri ng guro minsan naman nakabatay ito sa dami at hirap ng ginagawa. Pero ang tumatak sa isipan ko ang madalas na komento ng mga mag-aaral na mas pinipili nila ang gurong ngumingiti kapag nasa harap ng kanyang mag-aaral. Mabait at hindi estrikto ang guro kapag palangiti sabi ng aking mga estudyante. Hindi sila natatakot. Ganado silang pumasok at mapatutunayan ito kapag nakasalubong o nasa labas ka ng paaralan.
Sa ating larangan sa dami ng ginagawa sabayan pa ng problema ng pamilya, malamang mahirap na sa atin ang ngumiti. Alam natin na hindi ito bahagi ng ating pagtuturo pero may pagkakataon na napapasama sa hindi maipaliwanag na dahilan. Sa madaling salita, apektado tayo ng mga sitwasyon at pangyayari sa ating buhay.
Basta ako naging bahagi na ng aking buhay ang ngumiti. Hindi lang sa loob ng klase pati sa mga taong nakakakilala sa akin. Hindi ako magaling para sa iba, hindi nga ako matalino pero sa buhay natin iba-iba ang sukatan ng kaligayahan. Sa ilan masaya na sila sa pera, ari-arian at posisyon sa trabaho pero para sa akin ang simpleng ngiti ang nagpapasaya!
Related